Trip to Quiapo, Exercise 1
August 19, 2007
catesbool
Muling nag-aagaw ang liwanag at dilim sa Lungsod ng Maynila. Sa salamin ng mga bintana, natatanaw ang mga gusaling unti-unti nabubuhay, sumasaliw sa mahimbing na sayaw ng siyudad na nabubuhay sa gabi, ang kanilang mga ilaw ay masasayang umaakit sa kanyang paningin. Ang langit na dati’y nagdudumilaw ay unti-unti nang binabalot ng kadiliman.
Niligpit niya ang kanyang gamit at saka tumayo na para bang pinapawi ang mga agam-agam sa kanyang isipan. Tapos na naman ang isang linggo. Isang buntong-hininga ang kumawala sa kanyang mga dibdib nang di niya namamalayan. Tila ba, ang kanyang mga yabag na sumisira sa katahimikan ng opisinang iniwanan ng mga kasamang manggagawa ay magsisilbing daan upang siya ay makabalik sa kanyang nakaraan.
Tahimik niyang nilisan ang ngayong madilim nang kwarto. Hindi alintana ang bati ng babae sa elevator at tuloy-tuloy na lumabas upang maramdaman ang marahang halik ng maligamgam na hangin sa kanyang mga pisngi.
Sa gitna ng kalye, may mangingilan-ngilang mga tao ang paroo’t parito, parang mga langgam na nagmamadali na makauwi sa kanilang sari-sariling mga tahanan habang ang mga sasakyan ay dahan-dahang umuusad sa daloy ng trapiko. Kanyang tinawid ang di kalawakang daan na kasing-tanda pa ng kanyang mga ninuno habang ang tore ng lumang simbahan ay nananatiling tahimik na para bang naghihintay ng anumang kaganapan sa alinsangan ng panahon.
Sa kalagitnaan ng kalye, kanyang nasulyapan ang isang lalake na tila ba nababaon ang ulirat sa kawalan. Ang katawan nito ay sumasabay sa marahang ihip ng hangin, tila ba nagsasayaw ng pandanggo habang nakatingin sa kung saan. “Marahil, katulad ko rin siya. Isang kaluluwa na naliligaw at nawawala,” naisip nya sa kanyang sarili.
“Sakay kayo, Miss,” ang alok ng isang batang nakaupo sa may pila ng pedicab sa isang kanto. Ngunit tulad ng babae sa elevator, hindi niya ito napansin at siya ay patuloy sa paglalakad tungo sa isang maliit na kalye kung saan ang ilang mga manggagawa ay maganang kumakain ng kanilang hapunang matiyagang inihain ng mga tindera sa nagkalat na karinderya.
Isang maliit na pagkunot ng noo ang di inaasahang sumilip sa kanyang mukha, dala ng mga amoy na nanggagaling sa ihawan ng maliliit na karinderya. Tila ba, ang masarap na amoy ng barbecue na pilit na nagsusumiksik sa kanyang panlasa ay isang malaking kaabalahan sa kung anuman ang bumabalot sa kanyang isipan. Katulad ng panaghoy ng isang matandang babaeng napako sa kanyang kinauupuan. Mga imaheng pilit na pinagtatagpo-tagpo sa mga kadiliman ng kalyeng iisa lang ang lagusan.
“Ang buhay ay parang isang barbecue”, kanyang naisip. Mainit ngayon ngunit maya’t maya lang, ang mga pangyayari ay nagiging bilasa sa panlasa ng karamihan. Sa kasalukuyan ay pinagpipiyestahan, sa kinabukasan ay isa lang malaking kahangalan.
Patuloy ang kanyang paglalakad hanggang dumating sa parte ng kalye kung saan, ang kaibahan ng taong may pera sa wala ay masisilayan. Sa isang sulok ng napakalumang lungsod, kung saan ang mga ninuno ay minsang nakipaglaban sa mga Espanyol na dayuhan, nananatili pa ring nakatayo ang makakapal na pader na bahagya nang napapansin, palibhasa ang pagkakaiba sa estado ng tao sa lipunan ay maari na lamang masukat sa kung ang Starbucks ay nagagawa mong isang tambayan.
Kumalam ang kanyang sikmura nang bahagya, nagsisilbing paalala sa isang bagay na nakalimutan niyang nagawa. Katulad ng isang nagmamanhid-manhidan, patuloy siyang naglakad, di man lang nagpakita ng bahagyang pakialam sa isang pulubi na animo’y isinusulat ang kanyang buhay sa isang pahina ng diary habang naliligo sa sariling niyang dugo.
Ano nga ba ng dapat maramdaman ng isang taong nahungkag na sa pakikibaka sa agos ng buhay? Marahil, katulad din ng pakiramdam ng isang gitarang binasag na ng agos at burak sa Ilog Pasig, palutang-lutang at walang patutunguhan.
Ang alinsangan ng panahon ay nabasag ng palakpak ng ulan, isang hudyat ng pagbabago sa kapaligiran. Unti-unti, ang mga tao sa kalye ay nagkawalaan, pilit sumisilong sa mga abandonadong gusali na kusa nang napabayaan. Ito ba ng tanda ng bawat pagbabago? Ang unti-unting pagguho ng mga pader sa mga gusali na nauulingan ng mga usok mula sa mga sasakyang sa kahabaan ng tulay ay humaharurot? Nakakabaliw isipin kaya marahil ang matanda sa di kalayuan ay bigla na lamang umiyak sa ilalim ng ulan.
Sa pagitan ng kanyang mga paglalakad at pagmumuni, kinailangan niyang sumakay upang makauwi. Marahan niyang ipinikit ang kanyang mga mata. Nagbabakasakali na baka sa kanyang paggising, ibang babae na ang kanyang masisilayan sa salamin. Sino nga ba ang makakapagsabi? Araw-araw, iisa ang imahe bagaman sa Mendiola, patuloy ang pagdagsa ng rally. Baka bukas, masayang pag-iisip naman ang kanyang ibabanyuhay….
Entry Filed under: Uncategorized
Leave a Comment
Some HTML allowed:
<a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>
Subscribe to comments via RSS Feed