Agosto

August 7, 2008 catesbool

Siguro ang pinakamahirap gawin at this point ay magsulat sa Tagalog.

Matagal-tagal na rin akong di nagsulat sa Tagalog.  Masyado ata akong naging komportable na magsalita sa wikang Inggles kaya pati ang karaniwang lumalabas sa bibig ko ay mga salitang banyaga na rin sa pandinig ng marami.  Masyadong malalim ang mga salita, minsan di na ako naiintindihan kung ano ang sinasabi ko.  Napapailing na lang ako.  Akala ko nga, simple na lang lahat ang lumalabas sa bibig ko.  That is, until may nagreklamo sa akin na di nya raw maintindihan kung ano pinagsasabi ko.  Maari daw bang tumigil ako sandal at mag-isip sa Tagalog.

Napatda ako.  Natawa.  Tapos binatukan ang sarili ko.  Bakit ang dami-daming pumapasok sa isipan ko kapag nag-iisip ako sa Inggles?  Bakit ngayon, pawing katahimikan ang lumalabas sa aking utak?  Ah, sa dami ba naman ng iisipin ko, pati ba naman ito ay kailangan pang pagtuunan ng matamang pag-iisip?

Sabi ng kausap ko, “hindi ba karapat-dapat din naming pagtuunan iyan ng iyong pansin?  Matagal ka na ba talagang nawala sa iyong Tagalog na katinuan na hindi mo na muling makuha ang kailaliman ng iyong kaisipan sa sarili mong wika?

Buwan pa naman ngayon ng Agosto.  Nakalimutan mo na ba kung ano ang ibig sabihin nito?  Napakarami mong sinasabing salita sa iba’t ibang lenggwahe.  Pero kailan kita muling maririnig o mababasa na Tagalog ang iyong gamit?  Nakalimutan mo na ba ang lahat ng itinuro sa iyo ng iyong ina?  Sa tingin mo ba, may naalaala ka pa?”

… mahirap palang humugot ng alaala.  Pero mas mahirap subukang hagilapin ang mga salitang tinangay ng mga eroplanong lumipad at mga tren na nagdaan sa aking harapan.  Masyadong mabigat ang mga pananalita na lumalabas sa isipan kapag binibigyang daan ang mga alaala ng mga hapon na nasa loob lamang ako ng mga silid-aralan at nakikipag-tagisan ng ere sa mga kaklase.  Ayoko silang alalahanin dahil kaakibat nila ang mga araw na naglalakad ako pauwi sa isang tahanang pinabayaan ng paglipas ng panahon.

Bakit naging mabigat ang paglipas nila, kapag sumasagitsit sa aking isipan ay aking isinasara.  Malayo na ang kailaliman ng kalayaan.  Malayo na ang panahon ng kabataan.  Hindi na ako katulad ng isang paslit na naghihintay sa mga panahon na maaari akong maglakad sa mga kakahuyan at palayan.  Nilagas na ng hangin ang mga dahon sa puno ng aratiles.  Ang bahay na dati’y dindaluyan ng aking buhay ay kasamang nawala ng mga unos na nagbigay-daan sa mga bagong daluyan.

Lumipas na ang nakaraan…  Inanod na ng mga karagatan.  Ang lalim ng pag-iisip ay isa na lamang nakaw na pamamaraan ng pananalita.  Walang pakiramdam.

Entry Filed under: Uncategorized

Leave a Comment

Required

Required, hidden



Some HTML allowed:
<a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>

Subscribe to comments via RSS Feed



Pages

Categories

Calendar

August 2008
M T W T F S S
« Jul   Sep »
 123
45678910
11121314151617
18192021222324
25262728293031

Most Recent Posts